Isa sa mga pangarap ko sa buhay ay ang magkaroon ng sariling Jeepney. Tama, yun nga—ang pambansang sasakyan ng Pilipinas—ang Hari ng Kalsada. Siguro masasabi ninyo na mababaw ang pangarap kong ito, at kahit sino ay maaaring magkaroon nito. Pero sa akin ay mahalaga ito at kahit hindi ako makabili ng kotse ay bibili at bibili ako ng jeepney.
Noong nakaraang taon ay naisulat ko pa nga sa blog na ito na talagang magsusumikap ako upang makabili nito. Pilipinong-pilipino ang pakiramdam ko tuwing makakasakay ng Jeepney. Maraming adbentahe ang Jeepney sa ibang sasakyan tulad ng kotse o van.
Matibay ito at di matatalo sa banggaan. Kayang sumakay ang dalawanpung tao dito dagdagan pa ng ilang manok, biik, o bagahe. Pwede ring sabitan sa bandang likuran. Sa lalawigan nga ay sinasakyan pati ang bubong sakaling kahirapan sa pagsakay.
Bukod dito ang Jeepney lang ang tanging sasakyan na magkakaharap ang mga pasahero, hindi ba’t napakainam na paraan ito upang ang mga pasahero ay magkakilanlan sa isa’t-isa? Sa Jeepney rin ay makikita ang pakikipagkapwa tao ng mga Pilipino.

