Hindi maikakaila na may sarili ng kabihasnan ang mga sinaunang Pilipino bago pa dumating ang mga mananakop na Kastila. Subalit sinira ng mga Kastila ang mayabong na kabihasnan ng ating mga ninuno dahil sa kanilang paniniwala na ang kanilang sibilisasyon ay superyor. Pinilit ng mga mananakop na Kastila na tanggalan ng sariling pagkakakilanlan ang ating mga ninuno. Sa unang pagkakataon, tinanggalan ng sariling kasaysayan ang mga Pilipino.
Taong 1896 ng magtagumpay ang mga Pilipino na mailunsad ang isang pambansang rebolusyon laban sa rehimeng kolonyal ng Espanya. Halos dalawang taong nagpunyagi ang mga Pilipino upang makamit ang matagal ng inaasam na kalayaan. Ang rebolusyong Pilipino ay pansamantalang naputol dahil sa kasunduan sa Biak-na-Bato noong 1897.
Sa panahong ipinapakita ng mga Pilipino ang kanilang pagkabansa at kakayahan na pamahalaan ang sariling bayan sa pamamagitan ng pagpapatalsik sa mga mananakop na Espanyol, muli na naman nawala sa kamay ng mga Pilipino ang karapatang maging malaya. Ang imperyalistang Estados Unidos ay agad na sinunggaban ang pagkakataong makapanakop ng panibagong kolonya para sa kanyang pang-ekonomiya at istratehikong interes. Hindi pumayag ang mga Pilipino na basta na lang maagaw sa kanilang mga kamay ang resulta ng dalawang taong armadong pakikibaka laban sa rehimeng kolonyal ng Espanya. Magiting na nilabanan ng mga rebolusyunaryong Pilipino ang mga tropang Amerikano. Ang yugtong ito ng kasaysayang Pilipino ay tinatawag na Digmaang Pilipino-Amerikano.
Ang kauna-unahang demokratikong rebolusyong Pilipino at ang sumunod na pakikibaka ng mga rebolusyunaryong tropang Pilipino laban sa mga imperyalistang Amerikano ay malinaw na inilalarawan sa mga sulat ng mga rebolusyunaryo, mga atas, mga kalatas, mga polyeto, mga proklamasyon, mga ulat, mga pahayagan, mga opisyal na dokumento ng pamahalaang rebolusyunaryo ng Pilipinas at Hukbong Pilipino, at iba pang mga pangunahing batis. Ang mga dokumentong ito ay tinatawag na Philippine Revolutionary Records (PRR), mas kilala noon na Philippine Insurgent Records (PIR).
Ang mga nabanggit na rekord ay nakumpiska ng mga tropang Amerikano na karamihan ay nagmula sa mga napatay, sumuko at nahuling rebolusyunaryo, at mula sa mga nakubkob na kampo at tanggapan ng hukbo at gobyernong rebolusyunaryo ng Pilipinas. Tone-toneladang mga rekord ang dinala sa Washington D. C. at idineposito sa U.S. National Archives. Sa ikalawang pagkakataon, muling nawala ang isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng kasaysayang Pilipino. Ninakaw ng mga Amerikano ang mga mahahalagang dokumentong pag-aari ng sambayanang Pilipino. Taong 1957, sa pamamagitan ng isang batas na ipinasa ng kongreso ng Estados Unidos, ibinalik ng gobyernong Amerikano ang mga dokumentong ito sa Pilipinas. Ang mga ito ay nasa pangangalaga ngayon ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas. Ngunit ang maaari na lang gamiting kopya ng mga mananaliksik ay nasa microfilm. Hindi na kasi pinapayagan na mahawakan pa ang mga dokumento dahil na rin sa kalumaan ng mga ito. Ang U.P. Main Library ay may mga microfilm din ng PRR.
Ikinararangal ko na mabasa ang kaunting bahagi ng rekord ng rebolusyong Pilipino. Malinaw na mababasa sa PRR ang kadakilaan at kabayanihan ng mga rebolusyunaryo na inialay ang kanilang buhay para sa pambansang kalayaan.
Tunay na napakahalaga ang mga dokumentong ito sapagkat ang mga ito ay katibayan ng aspirasyon ng mga Pilipino para sa kalayaan; ng pagkakaroon ng kakayahan ng mga Pilipino na pamahalaan ang sariling bayan; na ang mga Pilipino ay hindi barbaro; at ang Pilipinas noong 1899 ay isa ng malayang nasyon, samakatuwid, ang pakikibaka ng mga Pilipino laban sa mga Amerikano ay hindi insureksyon kundi isang digmaan para sa kalayaan.
Ang full-text version ng ilan sa mga dokumentong bahagi ng PRR ay malapit ng mabasa sa Filipiniana.net. Sa pamamagitan ng pagbabasa at masusing pag-aaral sa mga nilalaman ng PRR, muli nating buhayin ang mga batayang prinsipyo na ipinaglaban ng ng mga rebolusyunaryo noong panahon ng kolonyalismo. Ito’y dahil ang ating bayan ay hindi pa natatamo ang tunay na pambansang kalayaan. Ang lumang demokratikong rebolusyon na inilunsad noong 1896 ay pinutol ng pananakop ng Estados Unidos sa ating inang-bayan. Simula noon hanggang sa kasalukuyan-sa panahong post-ideological-ang ating nasyon ay nasa kontrol ng Estados Unidos.
Muli natin balikan ang kasaysayan ng demokratikong rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng masusing pag-aaral sa Philippine Revolutionary Records. Dapat na ipaglaban ng kasalukuyang henerasyon at ng mga susunod pang henerasyon ng mga Pilipino ang mga batayang prinsipyo ng kauna-unahahang rebolusyong Pilipino upang makamit ang tunay na pambansang kalayaan ng ating inang-bayan.
Mabuhay ang Himagsikang Pilipino!
Tags: Philippine American War, Philippine Revolution, Philippine Revolutionary Records