Hindi maikakaila na may sarili ng kabihasnan ang mga sinaunang Pilipino bago pa dumating ang mga mananakop na Kastila. Subalit sinira ng mga Kastila ang mayabong na kabihasnan ng ating mga ninuno dahil sa kanilang paniniwala na ang kanilang sibilisasyon ay superyor. Pinilit ng mga mananakop na Kastila na tanggalan ng sariling pagkakakilanlan ang ating mga ninuno. Sa unang pagkakataon, tinanggalan ng sariling kasaysayan ang mga Pilipino.
Taong 1896 ng magtagumpay ang mga Pilipino na mailunsad ang isang pambansang rebolusyon laban sa rehimeng kolonyal ng Espanya. Halos dalawang taong nagpunyagi ang mga Pilipino upang makamit ang matagal ng inaasam na kalayaan. Ang rebolusyong Pilipino ay pansamantalang naputol dahil sa kasunduan sa Biak-na-Bato noong 1897.
Sa panahong ipinapakita ng mga Pilipino ang kanilang pagkabansa at kakayahan na pamahalaan ang sariling bayan sa pamamagitan ng pagpapatalsik sa mga mananakop na Espanyol, muli na naman nawala sa kamay ng mga Pilipino ang karapatang maging malaya. Ang imperyalistang Estados Unidos ay agad na sinunggaban ang pagkakataong makapanakop ng panibagong kolonya para sa kanyang pang-ekonomiya at istratehikong interes. Hindi pumayag ang mga Pilipino na basta na lang maagaw sa kanilang mga kamay ang resulta ng dalawang taong armadong pakikibaka laban sa rehimeng kolonyal ng Espanya. Magiting na nilabanan ng mga rebolusyunaryong Pilipino ang mga tropang Amerikano. Ang yugtong ito ng kasaysayang Pilipino ay tinatawag na Digmaang Pilipino-Amerikano.